Iginuhit ng Diyos ang mga Plano

Aralin 17

 

Marahil alam mo na sa rurok ng Bundok ng Sinai, binigay ng Diyos kay Moises ang Sampung Utos. Ngunit alam mo rin ba, sa parehong oras, ay ibinigay ng Panginoon ang plano ng isa sa pinakamahiwagang estruktura na itinayo? Tinatawag itong santuwaryo, isang natatanging templo na kumakatawan sa lugar kung saan ang Diyos ay tumatahan kasama ng Kanyang bayan. Ang pangkalahatang disenyo at serbisyo nito ay nagpakita sa bansang ito ng pinalayang mga alipin sa tatlong dimensyon na pananaw ng plano ng kaligtasan. Isang maingat na pagtanaw sa sikreto ng santuwaryo ay magbibigay kalinawan sa
iyong pang-unawa kung paanong iniligtas ni Jesus ang mga nawala at pinamunuan ang iglesya. Ang santuwaryo ay susi rin upang maunawaan ang napakaraming propesiya. Isang kamanghamangha na pakikipagsapalaran ang naghihintay sa iyo habang ang Aralin na ito ay gagalugarin ang santuwaryo at ang mga nakatagong kahulugan nito!

1. Ano ang hiningi ng Diyos na gawin ni Moises?

“Igawa nila ako ng isang santuwaryo upang ako’y makapanirahan sa gitna nila” (Exodo 25:8).

Sagot:   Sinabi ng Panginoon kay Moises na magtayo ng isang santuwaryo—
isang natatanging gusali na magsisilbing tahanan ng Diyos ng langit.

Maikling paglalarawan ng Santuwaryo 

Ang orihinal na santuwaryo ay isang elegante, estruktura na tolda ang uri (15 talampakan x 45 talampakan—base sa 18 pulgadang kubit) kung saan nanatili ang presensiya ng Diyos at isinagawa ang mga natatanging serbisyo. Ang mga dingding ay gawa sa patayo na kahoy na tabla na nakalagay sa pilak na mga tungtungan at pinuno ng ginto (Exodo 26:15–19, 29). Ang bubong ay gawa sa apat na patong ng panakip: lino, balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa, at balat ng kambing (Exodo 26:1, 7–14). Mayroon itong dalawang silid: ang dakong banal at dakong kabanal-banalan. Isang makapal, mabigat na tabing o kurtina na naghihiwalay sa mga silid. Ang bulwagan—Ang lugar na nakapaligid sa santuwaryo—ay may 75 talampakan x 150 talampakan (Exodo 27:18). Ito ay binakuran ng pinong telang lino na sinusuportahan ng 60 haliging tanso (Exodo 27:9–16).

2. Ano ang inaasahan ng Diyos na matutunan ng Kanyang
bayan mula sa santuwaryo?

“Ang iyong daan, O Diyos, ay banal. Sinong diyos ang dakila na gaya ng aming Diyos?” (Mga Awit 77:13).

 

Sagot:   Ang pamamaraan ng Diyos, ang plano ng kaligtasan, ay naihayag sa makalupang santuwaryo. Ang Biblia ay nagtuturo na lahat ng nasa santuwaryo—ang tirahan, kasangkapan, at serbisyo—ay simbolo ng isang bagay na gagawin ni Jesus sa pagliligtas sa atin. Nangangahulugan ito na maaari nating lubos na maunawaan ang plano ng kaligtasan habang lubos nating naiintindihan ang simbolismo na konektado sa santuwaryo. Kaya, ang kahalagahan ng Aralin na ito ay hindi maaaring ipagmalabis.

3. Mula saan kumuha si Moises ng plano para sa santuwaryo? Ano ang gusali na pinagkopyahan nito?

“Ngayon, ang pangunahing bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong gayong Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalan sa kalangitan, isang ministro sa santuwaryo at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao. ... Mayroon nang mga paring naghandog. ... ‘Tiyakin mo na iyong gagawin ang lahat ng mga bagay ayon sa huwarang ipinakita sa iyo sa bundok’ ” (Mga Hebreo 8:1, 2, 4, 5).

 

Sagot:   Ang Diyos mismo ang nagbigay kay Moises ng mga partikular na pagtatayo ng santuwaryo. Ang gusali ay isang kopya ng orihinal na santuwaryo sa langit.

4. Anong kasangkapan ang nasa bulwagan?

Sagot:

A. Ang dambana ng mga handog na susunugin, kung saan ang mga hayop ay iniaalay, ay matatagpuan sa loob lamang ng pasukan nito (Exodo 27:1–8). Ang dambana na ito ay kumakatawan sa krus ni Cristo. Ang hayop ay kumakatawan kay Jesus, ang tunay na alay (Juan 1:29).

B. Ang hugasan, nakatayo sa pagitan ng altar at ng pasukan ng santuwaryo, ay isang napaka laking palanggana na gawa sa tanso. Dito ay hinugasan ng mga pari ang kanilang paa at kamay bago maghandog ng alay o pumasok ng santuwaryo (Exodo 30:17–21; 38:8). Ang tubig ay kumakatawan sa paglilinis mula sa kasalanan at ang bagong kapanganakan (Tito 3:5).

5. Anong kasangkapan ang nasa dakong banal?

Sagot :

A. Ang hapag para sa tinapay na handog (Exodus 25:23–30) ay kumakatawan kay Jesus, ang tinapay ng buhay (John 6:51).

B. Ang pitong sangang kandelero (Exodo 25:31–40) ay kumakatawan din kay Jesus, ang ilaw ng sanlibutan (Juan 9:5; 1:9). Ang langis ay kumakatawan sa Banal na Espiritu (Zacarias 4:1–6; Apocalipsis 4:5).

C. Ang dambana ng insenso (Exodo 30:7, 8) ay kumakatawan
sa panalangin ng bayan ng Diyos (Apocalipsis 5:8).

6. Anong kasangkapan ang nasa kabanal-banalang dako?

Sagot:

Ang Kaban ng Tipan, ang nag-iisang kasangkapan sa kabanal-banalang dako
(Exodo 25:10–22), ay isang kahon o kaban na gawa sa kahoy na akasya na nilatagan ng ginto. Nakatayo sa ibabaw ng kaban ay dalawang kerubin na gawa sa solidong ginto. Sa gitna ng mga kerubin na ito ay ang luklukan ng awa (Exodo 25:17–22), kung saan ang presensiya ng Diyos ay tumatahan. Ito ay kumakatawan sa trono ng Diyos sa langit, kung saan ay kagaya ng kinatatayuan sa pagitan ng dalawang kerubin (Mga Awit 80:1).

7. Ano ang nasa loob ng kaban?

Sagot:


Ang Sampung Utos, kung saan isinulat ng Diyos sa dalawang tapyas na bato, at kung saan ang Kanyang bayan ay laging susunod (Apocalipsis 14:12), ang nasa loob ng kaban (Deuteronomio 10:4, 5). Ngunit ang luklukan ng awa ay nasa ibabaw ng mga ito, na tanda na hanggang sa ang bayan ng Diyos ay magsisi at tumalikod sa kasalanan (Mga Kawikaan 28:13), ang awa ay pinapahaba para sa kanila sa pamamagitan ng dugo na iwinisik ng pari sa luklukan ng awa (Levitico 16:15, 16). Ang dugo ng hayop ay kumakatawan sa dugo ni Jesus na ibinuhos para sa atin upang magdala ng kapatawaran ng kasalanan (Mateo 26:28; Mga Hebreo 9:22).

8. Bakit kailangang ihain ang mga hayop sa mga serbisyo sa santuwaryo?

“Sa katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan” (Mga Hebreo 9:22). “sapagkat ito ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan” (Mateo 26:28).

Sagot:  Ang paghahandog ng mga hayop ay kailangan upang tulungan ang tao na maintindihan na kung walang pagdanak ng dugo ni Jesus, ang kanilang kasalanan kailanman ay hindi mapapatawad. Ang pangit, at nakakagulat na katotohanan na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23). Dahil lahat tayo ay nagkasala, lahat tayo ay dapat na mamatay. Nang si Adan at si Eva ay nagkasala, sila ay dapat mamatay maliban kay Jesus, na humayo at ibinigay ang Kanyang perpektong buhay bilang handog upang bayaran ang parusa ng kamatayan para sa lahat ng tao (Juan 3:16; Apocalipsis 13:8). Pagkatapos ng kasalanan, hinilingan ng Diyos ang makasalanan na magdala ng hayop bilang handog (Genesis 4:3–7). Ang makasalanan ay dapat na pumatay ng hayop sa kanyang sariling kamay (Levitico 1:4, 5). Ito ay madugo at kagulat-gulat, at ito ay hindi nakapagtataka sa mga makasalanan na may taimtim na katunayan ng kakilakilabot na mga kahihinatnan (walang hanggang kamatayan) at desperadong pangangailangan ng Tagapagligtas at Kapalit.

 

Kung walang Tagapagligtas, walang kahit anong pag-asa para sa kaligtasan. Ang sistema ng paghahandog ay nagtuturo, sa pamamagitan ng simbolo ng pagpatay ng hayop, na kung saan ibibigay ng Diyos ang Kanyang Anak upang mamatay sa kanilang kasalanan (1 Corinto 15:3). Si Jesus ay hindi lang naging Tagapagligtas nila, ngunit naging Kapalit nila (Mga Hebreo 9:28). Nang nakilala ni Juan na Tagapagbautismo si Jesus, sinabi niya “Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” (Juan 1:29). Sa Lumang Tipan, ang bayan ay nag-aasam sa krus para sa kaligtasan. Magbalik-tanaw tayo sa kalbaryo para sa kaligtasan. Walang ibang pagmumulan ng kaligtasan (Mga Gawa 4:12).

9. Paano iniaalay ang mga hayop sa santuwaryo, at sa anong kahulugan?

“Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog na sinusunog at ito ay tatanggapin para sa ikatutubos niya; Ito ay kanyang kakatayin sa hilagang bahagi ng dambana sa harapan ng PANGINOON” (Levitico 1:4, 11).

Sagot:  Kapag ang makasalanan ay nagdala ng tupang iaalay sa pinto ng patyo, bibigyan sya ng pari ng kutsilyo at palanggana. Ilalagay ng makasalanan ang kanyang kamay sa ibabaw ng ulo ng hayop at kanyang ikukumpisal ang kaniyang mga kasalanan. Ito ay sumisimbolo na ang kasalanan ay nalipat mula sa makasalanan patungo sa hayop. Sa puntong iyon, ang makasalanan ay kinokonsidera na inosente at ang hayop ang may sala. Dahil ang hayop ay may sala sa simbolikal na aspeto, kailangan nitong pagbayaran ang kasalanan—kamatayan. Sa pamamagitan ng pagpatay ng hayop sa kaniyang sariling kamay, ang makasalanan ay natuturuan na ang kasalanan ang dahilan ng pagkamatay ng inosenteng hayop at ang kaniyang kasalanan ang dahilan ng pagkamatay ni Jesus na siyang inosente.

10. Kapag ang handog na hayop ay inialay para sa buong kongregasyon, ano ang ginagawa ng pari sa dugo? Ano ang sinisimbolo nito?

“Pagkatapos, dadalhin ang dugo ng toro sa toldang tipanan ng paring binuhusan ng langis, at ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo, at iwiwisik nang pitong ulit sa harapan ng PANGINOON sa harap ng tabing” (Levitico 4:16, 17).

Sagot:  Kapag ang handog ay inialay para sa kasalanan ng buong kongregasyon, ang dugo ay dinadala ng pari, na kumakatawan kay Jesus (Mga Hebreo 3:1), sa santuwaryo at iwiniwisik sa harapan ng tabing na naghihiwalay sa dalawang silid. Ang presensiya ng Diyos ay nananahan sa kabilang bahagi ng tabing. Kaya, ang kasalanan ng tao ay natatanggal at simbolikal na naisasalin sa santuwaryo. Ang ministeryo ng dugo sa pamamagitan ng pari ay nagpapakita ng kasalukuyang ministeryo ni Jesus para sa atin sa langit. Pagkatapos na mamatay ni Jesus sa krus bilang ating handog sa ating kasalanan, Siya ay nabuhay at pumunta sa langit bilang ating pari upang mag ministeryo ng Kanyang dugo sa makalangit na santuwaryo (Mga Hebreo 9:11, 12). Ang dugo na ministeryo ng makalupang pari ay kumakatawan kay Jesus na ginagamit ang Kanyang dugo upang itala ang ating mga kasalanan sa santuwaryo sa itaas, nagpapakita na sila ay pinatawad na kung ikukumpisal natin sila sa Kanyang pangalan (1 Juan 1:9).

Bilang ating Handog, si Jesus ay nagdadala sa atin ng isang ganap na bagong buhay na may kapatawaran sa lahat ng kasalanan.

11. Batay sa mga serbisyo ng santuwaryo, sa anong dalawang pangunahing kakayahan naglilingkod si Jesus sa Kanyang bayan? Anong mga kamangha-manghang mga benepisyo ang matatanggap natin mula sa Kanyang butihing ministeryo?

“Sapagkat si Cristo, ang kordero ng ating paskuwa, ay naialay na” (1 Corinto 5:7). “Yamang tayo’y mayroong isang marangal at Pinakapunong Pari na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Diyos, ay hawakan nating matatag ang ating ipinahahayag. Sapagkat tayo’y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma’y walang kasalanan. Kaya’t lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo’y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan” (Mga Hebreo 4:14–16).

Sagot:   Si Jesus ay nagsisilbing handog para sa ating mga kasalanan at bilang ating Pinakapunong Pari sa kalangitan. Ang kamatayan ni Jesus bilang ating handog na Tupa at Kapalit, at ang Kanyang patuloy na makapangyarihang ministeryo bilang ating makalangit na Pari, na nakagawa ng hindi kapani-paniwalang himala para sa atin:

A. Isang kumpletong pagbabagong buhay na tinawag na bagong kapanganakan, kasama ang lahat ng kasalanan sa nakaraan na siyang pinatawad (Juan 3:3–6; Roma 3:25).


B. Kapangyarihan na mabuhay ng tama sa kasalukuyan at sa hinaharap (Tito 2:14; Filipos 2:13).

Bilang ating Pinakapunong Pari, binibigyan tayo ni Jesus ng kapangyarihang mabuhay nang tama sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Bilang ating Handog, si Jesus ay nagdadala sa atin ng isang ganap na bagong buhay na may kapatawaran sa lahat ng kasalanan. Bilang ating Pinakapunong Pari, binibigyan tayo ni Jesus ng kapangyarihang mabuhay nang tama sa kasalukuyan at sa hinaharap. Ang dalawang himalang ito ay ginagawang matuwid ang isang tao—na nangangahulugang mayroong isang wastong ugnayan sa pagitan ng tao at Diyos. Walang ibang posibleng paraan para ang isang tao ay maging matuwid sa pamamagitan ng gawa (sariling pagsisikap) dahil ang pagiging matuwid ay nangangailangan ng himala na kung saan si Jesus lang ang nakakagawa (Mga Gawa 4:12). Ang isang tao ay nagiging matuwid sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Tagapagligtas na gawin para sa kanya ang hindi niya magagawa para sa kanyang sarili. Ito ang ibig sabihin ng biblikal na termino ng “kabanalan sa pamamagitan ng pananampalataya.” Hilingin natin na si Jesus ang maging pinuno ng ating buhay at pagkatiwalaan Siya na gawin ang mga bagay na nangangailangan ng himala habang tayo ay nakikiisa ng buo sa Kanya. Itong kabanalan, na kung saan ay himalang ginawa para sa atin at nasa atin sa pamamagitan ni Cristo, ay ang nag-iisang totoong kabanalan na umiiral. Ang iba pang uri ay kahuwaran.

12. Ano ang anim na napakagandang pangako ang ibinibigay sa atin ng Biblia patungkol sa kabanalan na iniaalok sa atin sa pamamagitan ni Jesus?

Sagot:

A. Tatakpan Niya ang ating nakalipas na kasalanan at ibibilang tayo bilang walang kasalanan (Isaias 44:22; 1 Juan 1:9).


B. Tayo ay ginawa sa wangis ng Diyos sa simula (Genesis 1:26, 27). Ipinapangako ni Jesus na ibabalik Niya tayo sa wangis ng Diyos (Roma 8:29).
 

C. Binibigyan tayo ni Jesus ng pagnanais na mabuhay ng tama at pinagkakalooban tayo ng kapangyarihan na magawa ito (Filipos 2:13).
 

D. Si Jesus, sa pamamagitan ng Kanyang mga himala, ay nagiging dahilan na maging masaya tayo na gawin lang ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos (Mga Hebreo 13:20, 21; Juan 15:11).

E. Tinatanggal Niya ang sintensya ng kamatayan mula sa atin sa pamamagitan ng pagbibigay Niya sa atin ng Kanyang buhay na hindi makasalanan at nagbabayadsalang kamatayan (2 Corinto 5:21).

F. Ipinapalagay ni Jesus ang pananagutan sa Kanyang sarili sa pagpapanatili ng ating katapatan hanggang sa Kanyang pagbalik upang dalhin tayo sa langit (Filipos 1:6; Judas 1:24).
 

Handa na si Jesus na tuparin ang lahat ng maluwalhating pangako na ito sa iyong buhay! Handa ka na ba?

13. Mayroon bang dapat gampanan ang isang tao upang maging banal sa pamamagitan ng pananampalataya?

“Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21).

Sagot:   Oo. Sinabi ni Jesus na dapat nating gawin ang kalooban ng Kanyang Ama. Sa mga araw ng Lumang Tipan, ang tao na tunay na nabago ay patuloy na nagdadala ng tupa upang ihain, na nagpapakita ng kanyang kapighatian sa kanyang kasalanan at buong pusong pagnanais na hayaan ang Panginoon na mamuno sa kanyang buhay.

Ngayon, kahit na hindi natin magawa ang himala na ating kinakailangan upang maging banal, dapat tayong magtiwala sa Panginoon araw-araw (1 Corinto 15:31), anyayahan Siya na pamunuan ang ating buhay upang maganap ang mga himalang iyon. Dapat tayong magkusa na maging masunurin at sumunod Kay Jesus saan man Siya pumunta (Juan 12:26; Isaias 1:18–20). Ang ating makasalanang kalikasan ay naghihikayat sa atin na magkaroon ng sariling paraan (Isaias 53:6) at magrebelde laban sa Panginoon, kagaya ng ginawa ni Satanas nang pasimula (Isaias 14:12–14). Ang pagpapahintulot kay Jesus na mamuno sa ating buhay minsan ay kasing hirap nang pagtangggal ng ating mata o ng ating mga kamay (Mateo 5:29, 30), dahil ang kasalanan ay nakasusugapa at kaya lamang mapanagumpayan sa pamamagitan ng mahimalang kapangyarihan ng Diyos (Marcos 10:27). Marami ang naniniwala na dadalhin ni Jesus sa langit ang lahat lamang ng nag-aangkin ng kaligtasan, anuman ang kanilang pag-uugali. Ngunit hindi ito ganito. Ito ay isang panlilinlang. Ang isang Cristiano ay dapat sundin ang halimbawa ni Jesus (1 Pedro 2:21). Ang makapangyarihang dugo ni Jesus ang mkagagawa nito para sa atin (Mga Hebreo 13:12), ngunit ito lamang ay kung bibigyan natin si Jesus ng buong pahintulot na mamuno sa ating buhay at sumunod saan man Niya tayo dalhin—kahit na ang daan minsan ay baku-bako (Mateo 7:13, 14, 21).

14. Ano ang araw ng pagtubos?

Sagot: 

A.  Isang beses sa isang taon ang taimtim na araw ng paghuhukom—tinawag na Araw ng Pagtubos—naganap sa Israel (Levitico 23:27). Lahat ay dapat na magkumpisal ng bawat kasalanan. Ang mga tumanggi ay ititiwalag nang walang hanggan mula sa kampo ng Israel nang mismong araw (Levitico 23:29).

B. Dalawang kambing ang pinipili: Isa, ang kambing ng Panginoon; ang isa ay para kay Azazel, na kumakatawan kay Satanas (Levitico 16:8). Ang kambing ng Panginoon ay papatayin at iaalay para sa kasalanan ng tao (Levitico 16:9). Ngunit sa araw na ito ang dugo ay dinadala sa kabanal-banalang dako at iwiwisik sa ibabaw at sa harap ng luklukan ng awa (Levitico 16:14). Sa natatanging araw lang na ito pumapasok ang pinakapunong pari sa kabanal banalang dako upang makatagpo ang Diyos sa luklukan ng awa. Ang naiwisik na dugo (kumakatawan sa handog ni Jesus) ay tinanggap ng Diyos, at ang mga naikumpisal na kasalanan ng tao ay malilipat mula sa santuwaryo hanggang sa pinakapunong pari. At ililipat niya ang mga naikumpisal na kasalanan na ito kay Azazel, na inaakay sa ilang (Levitico 16:16, 20–22). Sa paraang ito, ang santuwaryo ay nalinis sa kasalanan ng tao, na naisalin doon sa pamamagitan ng dugo na iwinisik sa harapan ng tabing at naipon sa loob ng isang taon.

15. Ang Araw ng Pagtubos ay sumisimbolo o naglalarawan ba ng isang bahagi ng dakilang plano ng kaligtasan ng Diyos, tulad ng ginawa ng iba pang mga aspeto ng makalupang santuwaryo at mga serbisyo nito?


“Kaya’t kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito, ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito” (Mga Hebreo 9:23).

Sagot:   Oo. Ang paglilingkod sa mga araw na iyon ay nagturo sa pag-aalis ng kasalanan ng tunay na Pinakapunong Pari sa makalangit na santuwaryo. Sa pamamagitan ng Kanyang ibinuhos na dugo na inilapat sa mga nakasulat sa aklat ng buhay, pinatutunayan ni Cristo ang mga desisyon ng Kanyang bayan upang paglingkuran Siya nang walang hanggan. Ang natatanging araw ng paghatol na ito, tulad ng sa ‘Yom Kippur’ ng Israel, inaanino ang pangwakas na
pagtubos na ginawa para sa planetang lupa. Mula sa taunang simbolo ng sinaunang Araw ng Pagtubos, ang lahat ng sangkatauhan ay tiniyak na ang ating tapat na pinakapunong Pari, si Jesus, ay namamagitan pa sa langit para sa Kanyang bayan at nakahandang pawiin ang mga kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa Kanyang ibinuhos na dugo. Ang pangwakas na pagtubos ay humahantong sa huling paghatol, na sumasagot sa tanong sa kasalanan sa buhay ng bawat indibiduwal, na nagreresulta sa alinman sa buhay o kamatayan.

Napakahalagang Pangyayari Iyong malalaman sa susunod na mga dalawang Aralin kung paano ang simbolismo ng santuwaryo sa lupa at lalo na ang Araw ng Pagtubos ay nagpapakita nang napakahalagang pangyayari ng huling mga
araw, na kung saan ay dadalhin ng Diyos mula sa santuwaryo sa langit.

Ang Petsa para sa Paghuhukom

Sa susunod na Aralin, ating susuriin ang isang napakahalagang propesiya na kung saan ang Diyos ay nagbigay ng petsa sa pagsisimula ng paghuhukom sa langit. Nakakapangilabot talaga!

16. Handa akong tanggapin ang kabanalan ni Cristo, na kasama ang kapatawaran, paglilinis mula sa kasalanan, at kapangyarihan namabuhay sa kasalukuyan at sa hinaharap.

- IYONG TUGON?